Suspek sa pagtangay ng baril ng ex-police general arestado
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Kalaboso ang isang obrero na pangunahing suspek sa pagnanakaw ng mga baril sa bahay ng isang retiradong Police General kamakalawa ng gabi sa Barangay Gulang-gulang, Lucena City.
Base sa ulat na tinanggap ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea mula kay PLt. Ryan Hernandez, hepe ng Lucena City Component Police Station (LCCPS), kinilala ang suspek na si alyas “Armando,” 48, residente ng Siniloan, Laguna.
Naaresto ang suspek alas-8:00 ng gabi matapos matukoy ng mga imbestigador sa pamamagitan ng CCTV backtracking ang sasakyang ginamit sa robbery incident sa bahay ni retired Police MGen.” Arvin”.
Sa isinagawang surveillance, nakita ang suspek na naglabas ng baril mula sa kanyang bewang at inilagay ito sa loob ng sasakyan, dahilan upang agad siyang arestuhin at nakumpiska sa kanya ang isang Smith & Wesson caliber .38 revolver.
Agad na nagsagawa ng follow-up operations ang Lucena CCPS, 1st at 2nd Quezon Provincial Mobile Force Companies, at Provincial Intelligence Unit (PIU) Quezon, at nabawi pa sa suspek ang pitong ninakaw na baril sa Infanta, Quezon, at Alaminos, Laguna, kabilang ang mga pistol, revolver, rifle, at isang Uzi submachine gun.
Sa kabuuan, walong baril na pag-aari ng dating PNP official ang matagumpay na nabawi sa operasyon.
Pinuri naman ni PBrig. Gen. Dominic L Baccay, Acting Regional Director, PRO 4A, ang masusing follow-up investigation at CCTV backtracking na nagresulta sa pagkakakilanlan ng sasakyan at pagkakaaresto ng suspek.
- Latest

















