Trike driver utas, binurdahan nang 17 saksak ng adik na kapitbahay

MANILA, Philippines — Patay ang isang 42-anyos na tricycle driver nang pasukin sa bahay ng kapitbahay at pagsasaksakin nang 17 beses sa iba’t ibang bahagi ng katawan, sa Rodriguez, Rizal, noong Martes,.
Kinilala ng Rodriguez Municipal Police Station ang biktimang si alyas “Melvin,” residente ng barangay Geronimo, Rodriguez, Rizal.
Agad namang nadakip ang suspek na si alyas “Jayson” 28-anyos, na residente rin ng lugar at kapitbahay ng biktima.
Sa ulat, dakong alas-8:30 ng umaga ng Hulyo 7 nang walang permisong pinasok ng suspek ang bahay ng biktimang natutulog pa at inundayan ng 23 sentimetrong haba ng kutsilyo ang biktima.
Nagawa pang makalabas ng bahay ang biktima kahit duguan siya at naalarma ang mga residente at isinugod siya sa H-Vill Hospital kung saan siya idineklarang dead-on-arrival.
Ayon sa pahayag ni Police Lt. Colonel Arwyn Gaffud, hepe ng Rodriguez MPS, posibleng masama ang loob ng suspek dahil sa pagsaway ng biktima na naaktuhang inilalabas o tinatangay ang kanyang tricycle.
Isa pang dahilan na maaaring nag-udyok sa pamamaslang ang pagiging lulong umano sa ilegal na droga ng suspek.
Habang nakapiit ang suspek, umamin siya sa krimen at sinabi niya na nagsisi siya at blangko na ang kanyang isip.
- Latest






















