Lalaki ‘di nag-remit ng benta sa droga, itinumba
MANILA, Philippines — Patay ang isang 40-anyos na lalaki nang barilin ng kanyang kausap habang nasa gitna ng kanilang komprontasyon sa Antipolo City, Rizal, tanghaling tapat nitong Lunes.
Ang biktima na si alyas “Buddy”, ay residente ng Sito Aringit, Bagong Nayon 2, Brgy. San Isidro, Antipolo City.
Sa ulat ng Antipolo Component City Police, alas-12:00 ng tanghali nang marinig ng isang residente ang pagtatalo ng suspek at biktima hinggil sa hindi umano pag-remit ng huli ng bayad sa iligal na droga hanggang sa siya ay paputukan.
Ayon sa residente, nagsasampay siya ng damit at nakita niya ang suspek na nakasuot ng pawang itim na helmet, pantalon at long sleeves.
Nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima at sa pagsulpot umano ng dalawa pang lalaki na sina alyas “Puti” at alyas “Alas” sa lugar ay agad pinaputukan din ng suspek bago tumakas. Nakaiwas naman umano ang dalawa na hindi tinamaan.
Napag-alaman ng pulisya na ang biktima at sina Alas at Puti ay kilala umano sa kanilang lugar sa pagkakasangkot sa iligal na droga.
- Latest





















