Kable na gamit sa monitoring ng Phivolcs sa Mayon, ninakaw!

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala at pagkadismaya ang Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) matapos na madiskubre na ninakaw ng mga kawatan ang mga kable at gamit sa monitoring ng Ligao Observation Station sa itaas na bahagi ng bulkang Mayon sa Brgy.Paulog ng lunsod na ito.
Ayon sa ulat ng Phivolcs VMEPD, nitong nakalipas na Abril 19 bilang bahagi ng routine maintainance ay umakyat sa bulkan ang kanilang mga personnel mula sa Ligñon Hill Observatory Station. Laking panlulumo nila ng madiskubre na pinutol at ninakaw ang mga kable ng Ligao Observatory Station dahilan para hindi na gumana ang naturang istasyon. Kasama umano sa mga pinutol at ninakaw ay ang 6-metro ng solar cable; 3-metro ng battery cable; 5-metro ng liquid-tight conduit cable; at 3-metro ng LAN/FTP cables.
Ang naturang mga kable ay lubhang mahalaga sa autonomous power generation, supply at storage ng real-time volcano monitoring data communications lalo pa at patuloy sa nangyayaring aktibidad ang Mt. Mayon na nasa ilalim pa rin ng alert level 3.
Ang naturang monitoring station ay nag-o-operate ng broadband seismic at may infrasound sensors na nagtatala ng malawak na range ng volcanic earthquakes at explosion ng Mayon. Meron din itong IP camera para sa visual monitoring ng kalagayan sa kanlurang bahagi ng bulkan.
Sa pamamagitan umano ng Ligao Observatory Station ay nilo-locate nito ang mga pagyanig at ina-asses ang surface processes sa nakaraang 2023 eruption at ang kasalukuyang nangyayaring 2026 eruption. Responsable rin umano ito sa monitoring ng potential tectonic earthquake activity sa paglawak ng Philippine Fault Zone na tumatawid hanggang sa Bicol Peninsula.
- Latest






















