Babae nagbenta ng ‘di niya lupa, arestado sa entrapment ng NBI

MANILA, Philippines — Arestado ang isang babaeng konektado sa isang Real Estate Services nang magbenta ng lupa gamit ang pekeng special power of attorney (SPA) sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Koronadal City, South Cotabato, noong Huwebes.
Sa ulat ng NBI, ang suspek na si “Lilah”, ng P&N Real Estate Services ay sinampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 9646 (Real Estate Service Act), Presidential Decree No. 957 (Subdivision and Condominium Buyers’ Protective Decree of 1976) at Article 315 (Estafa) sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC).
Dinakip si Lilah ng mga ahente ng NBI Central Mindanao Regional Office (CEMRO) sa loob ng tanggapan ng P&N Real Estate Services sa Koronadal City sa aktong nagbibilang ng marked money na ibinayad ng biktima sa ibinentang subdivision lot.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang Sahar Carumba Kaddoura na isang parcel ng lote sa Purok Everlasting, Barangay New Pangasinan, Koronadal City ang iniaalok ng nasabi umanong kumpanya nang walang awtorisasyon mula sa tagapagmana ng may-aring si Teodorico Paraico.
Lumabas sa imbestigasyon na gamit ang SPA nang ibenta ang lote, subalit peke umano dahil sa nakasaad na 2022 inisyu ang SPA gayung namatay si Teodorico taong 1979 pa.
Natukoy rin sa beripikasyon na walang lisensya bilang real estate practitioner ang suspek mula sa Professional Regulation Commission (PRC) at wala ring awtorisasyon mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
- Latest



















