Birthday celebrant, 2 pa utas sa karambola ng sasakyan!
MANILA, Philippines — Tatlo katao kabilang ang isang matandang babaeng nagdiriwang ng kaarawan ang nasawi habang walo pa ang nasugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa Brgy. Mambabanga, Luna, Isabela nitong Miyerkules ng umaga.
Sa report ni P/Major Jonathan Ramos, hepe ng Luna Police, sinuwag ng dump truck ang isang pampasaherong jeepney at isang motorsiklo sa highway ng Brgy. Mambabanga, Luna ng lalawigan.
Ayon sa imbestigasyon, masyadong mabilis ang takbo ng dump truck na nawalan ng buwelo ang driver habang tinatangka nitong huminto pero sa kamalasan ay sumalpok ito sa pampasaherong jeepney na may lulang 11 katao kabilang ang driver at sampung pasahero.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tatlong pasahero ng jeepney ang dead-on-the spot, na kinabibilangan ng 19-anyos na estudyanteng lalaki, isang matandang babaeng nagdiriwang ng kaarawan at isang may sakit na tao.
Pitong lulan ng pampasaherong jeepney kabilang ang driver nito at 1-anyos na batang lalaki ang nasugatan habang nasugatan din ang backrider ng motorsiklo; pawang isinugod sa pagamutan sa Cauayan City, Isabela.
Base sa imbestigasyon ang nasabing jeepney ay patungong Cauayan City nang mangyari ang aksidente sa nasabing lugar.
Ayon sa pulisya, nawalan ng kontrol sa manibela ang truck dahil sa sobrang bilis ng takbo nito bunsod upang mabangga ang jeepney at motorsiklo.
Arestado ang driver ng dump truck at inimpound na rin ng pulisya ang behikulo niyo habang patuloy ang imbestigasyon sa indidente.
- Latest




















