Forced evacuation ipinatupad sa Bacacay, Albay; mga pulis lumusong sa baha

BACACAY, Albay, Philippines — Sapilitang inilikas na ng mga tauhan ng Bacacay Municipal Police Station ang mga residente matapos maranasan ang matinding pagbabaha dahil sa sama ng panahong dala ng shearline at nagdaang bagyong Wilma sa ilang barangay ng bayang ito kamakalawa.
Dahil sa malalakas na bagsak ng ulan ay agad bumaha sa ilang lugar sa poblacion mismo ng bayan kaya sa pangunguna ng chief of police Major Niño Aquiatan at deputy chief police Capt. Merwin Lingcaso ay nagpatupad sila ng force evacuation sa Brgy. 5, Bacacay makaraang tumaas ang tubig baha dahil sumabay pa ang high tide ng dagat.
Nakunan pa ng ilang residente ang ginawang mabilisang paglikas ng mga pulis sa mga apektadong residente at isa sa nag-viral pa ay ang litrato ng deputy chief of police ng bayan na si Capt. Lingcaso na hindi nagdalawang-isip na tulungan ang mga residente na makalikas sa ligtas na lugar.
Habang nakauniporme, nilusong ni Lingcaso ang tubig baha at sinagip ang isang bata mula sa Isang bahay na niragasa ng baha.
Ayon kay Lingcaso, kasama ang mga kabaro at tauhan, agad silang nagtulong-tulong upang mailigtas ang mga apektadong residente sa posibleng peligro na idulot ng pagragasa ng tubig-baha sa nasabing lugar.
- Latest


















