COTABATO CITY, Philippines — Nauwi sa barilan ang isinagawang search operation ng mga awtoridad matapos na manlaban ang isa sa pitong target na umano’y mga drug dealers sanhi ng kanyang kamatayan at pagkakasamsam ng nasa P1.3-milyong halaga ng ilegal droga, mga armas at eksplosibo sa loob ng mga bahay na sinalakay sa Barangay Pantar sa Banisilan, Cotabato nitong Martes.
Sa ulat, pumalag ang isa sa pitong target ng search operation, ang 30-anyos na si Jannal Lao, at naglabas ng baril saka nagpaputok na sanhi ng engkuwentro. Napatay si Lao matapos masapol ng bala nang gumanti ng putok ang mga pulis..
Ayon kay Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, kanilang isinagawa ang naturang search operation batay sa ulat ng community leaders sa Banisilan hinggil sa pagbebenta ng shabu at marijuana ng pitong residente ng Barangay Pantar.
Target ng operasyon matapos maglabas ng search warrants ang korte, ang mga magkakalapit na hideouts sa Barangay Pantar ng mga kilala sa Banisilan na mga shabu at marijuana dealers na sina Lao, Medalya Sultan Tidong, Zenaida Lao Tidong, Wawie Manampen Sultan, Minsu Pagumping Sultan, Jack Capatoy Sultan, Mark Kasan Abad.
Tanging si Abad lang ang nasukol ng mga magkasanib na mga operatiba ng Banisilan Municipal Police Station, Cotabato Provincial Police Office at Police Regional Office-12 dahil mabilis na tumakas ang iba pang target ng naturang anti-narcotics operation nang marinig ng mga putok ng baril sa shootout na nagresulta sa pagkasawi ni Lao.
Natagpuan sa paghahalughog ng mga pulis ang isang M1 Garand rifle, isang .45 caliber pistol, mga iba’t-ibang kalibre ng mga bala ng assault rifles, mga improvised explosive devices, isang rifle-propelled grenade at 32 pakete na shabu na nasa 205 gramo at nagkakahalaga ng P1.3 million.