Magkaangkas sumemplang, patay sa sagasa ng truck
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Dalawang sakay ng motorsiklo ang nasawi matapos silang masagasaan ng isang trak kamakalawa ng gabi sa bayan ng San Miguel, Bulacan.
Kinilala ang mga nasawi na sina John Michael Ignacio at ang angkas niyang si Jocelyn Medrano, pawang nasa hustong gulang at residente ng Valenzuela City.
Ayon kay PCol. Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, bumibiyahe umano ang dalawang biktima sakay ng kanilang Yamaha Aerox na motorsiklo sa gilid ng National Highway sa Brgy. Salacot, San Miguel nang aksidenteng dumulas ang motorsiklo sa kalsada sanhi upang sila ay tumilapon.
Bunsod nito, hindi na nagawa pang iwasan ng nakasunod na Hino Truck na may plakang NBO 9935 at nakarehistro sa Siddiqui Subic International Trading na minamaneho ni Mario Montaño kung kaya nasagasaan ang dalawang biktima.
Dead-on-the-spot ang dalawang biktima habang kusang loob na sumuko ang drayber ng truck na nasa kustodiya ngayon ng San Miguel police at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide and damage to property.
- Latest


















