Suspek sa pamamaril sa Laguna todas sa shootout, pulis sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang suspek sa dalawang insidente ng pamamaril sa Laguna na ikinamatay ng isang tao, makaraang manlaban umano sa mga pulis na aaresto sa kanya, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Parian, Calamba City.
Sa ulat ikinasa ang follow-up operation ng Calamba Police at Intelligence operatives ng Calamba sa pangunguna ni Police Capt. Anastacio Motas Jr, chief Intel Unit, at Provincial Intelligence Unit-Laguna PPO sa pangunguna ni Police Major Erol Prejas, kasunod ng naganap na shooting incident nitong Oktubre 21, ng alas-2:15 ng madaling araw sa Phase 4, Station Red, Barangay Uno, Calamba City kung saan napatay ng suspek na alyas “Papalo” ang biktimang si alyas “Roland”, 44, residente Purok 7, Ilaya, Brgy. Parian, Calamba City, Laguna.
Habang patungo ang grupo sa lugar, namataan umano nila ang isang armadong lalaki na kinilala sa alyas “Allan”, na kasabwat ng target suspek na si alyas “Papalo”. Agad itong inaresto ng grupo at inalam dito kung nasaan si alyas Papalo na itinuro naman ang pinagtataguan ng nasabing suspek.
Nang paparating na ang grupo sa bahay na hideout ng target, agad umano silang sinalubong ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa suspek na si Papalo kung saan natamaan ng bala si Police Master Seargent Christoper John Chupeco.
Dito na nauwi sa ilang minutong engkuwentro hanggang sa mapatay si Papalo.
Agad namang itinakbo sa Calamba Medical Center si Sergeant Chupeco at kasalukuyang inoobserbahan.
Arestado naman ang kasama ng suspek na si Allan na nahulihan din ng isang caliber revolver .38 at hand grenade.
Ang napatay na suspek ay sangkot sa dalawang insidente ng pamamaril sa Calamba City at may standing warrant of arrest na frustrated murder sa RTC Branch 105, Calamba City.
- Latest

















