Drug pusher pumalag sa aresto, todas
NAGA CITY, Camarines Sur, Philippines — Bulagta ang isang notoryus na tulak ng droga matapos na mabaril makaraang pumalag at manaksak ng mga aarestong pulis sa ginawang buy-bust operation laban sa kanya sa Urban Poor Site, Brgy .Abella, Naga City, Camarines Sur, kamakalawa ng gabi.
Napuruhan ng punglo sa katawan at agarang nasawi ang suspek na kinilalang si Mark, 45-anyos, residente ng Zone-7, Brgy. Haring, Canaman. Duguang isinugod naman sa Bicol Medical Center ngunit nasa mabuti ng kalagayan ang dalawang sugatang pulis na kapwa kasapi ng Police Station 1 ng Naga City Police Office.
Sa ulat, alas-9:39 ng gabi ikinasa ng grupo ng drug enforcement unit ng Naga City Police Station 1 ang buy-bust operation laban kay Mark.
Gayunman, nang magkaabutan ng droga at akmang dadakmain ng mga operatiba ay bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang aaresto sanang dalawang pulis na parehong nasugatan sa katawan.
Dahil sa nakitang pagiging bayolente ng suspek ay pinutukan ito ng mga operatiba dahilan para duguang tumimbuwang at nasawi.
Nabawi mula sa napatay na suspek ang patalim na ginamit sa pananaksak, buy-bust money at 5-sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800.
- Latest





















