Rescue vehicle swak sa ilog: 4 patay, 12 nasagip

Tinangay ng agos sa spillway
MANILA, Philippines — Apat katao kabilang ang isang mag-asawa at anak nilang lalaki ang iniulat na nasawi habang 12 pang indibiduwal ang nasagip makaraang tangayin ng malakas na agos sa spillway ang kanilang sinasakyang rescue vehicle at aksidenteng mahulog sa ilog sa isang liblib na lugar sa Zamboanga del Norte nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ang apat na namatay na sina Nicanor Alfuro at misis na si Michelle; anak na si Nithan gayundin ang isa pa na kinilala namang si Roxanne Calibugan.
Nasagip naman ang iba pa na sina Conchita Alfuro, 58; Anabelle Alfuro, 46; Bernafe Mandao Sabanal, 30; Marion Trigo Nanong, 41; Ivy Galay Manyacap, 18; Juli Mark Mandao Sabanal, 15; Robelyn Suco Alfuro, 29; Richard Mandao Galay, 36; Bernadette Mandao Laranio, 37; Sam Alfuro, 18; batang si Uzil Jean, 9 at Kenneth Alfuro, 5-anyos.
Sa report ng Dumingag Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nangyari ang trahedya bandang alas-3 ng hapon habang ang rescue vehicle na pag-aari ng pamahalaang bayan ng Dumingag ay bumabagtas sa Brgy. El Paraiso, La Libertad ng nasabing probinsya.
Ayon sa MDRRMO, habang bumabagtas sa lugar papalapit sa spillway ay biglang tinangay ng malakas na agos ang rescue vehicle na nabigong makontrol ng driver hanggang sa tuluy-tuloy itong mahulog sa Dapitan River sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon, galing ang mga biktima na karamihan ay magkakamag-anak sa Calamba, Misamis Occidental matapos na dumalo sa isang fellowship sa Adonao Elohim House of Prayer at kasalukuyang pauwi nang mangyari ang malagim na sakuna.
Nang matanggap ang report, agad nagsagawa ng search and rescue operation ang mga pulis katuwang ang mga bumbero at ilang sibilyang volunteers.
Nang maiahon isa-isa, nagawa pang maisugod ang mga biktima sa pagamutan pero dalawa sa kanila idineklarang dead-on-arrival habang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas ang dalawa pa bandang alas-6 ng gabi nitong Lunes.
Namahagi na ng tulong ang pamahalaang bayan at ang MDRRMO sa mga nasagip na sibilyan.
- Latest