Babaeng tumestigo sa Ombudsman, itinumba!

Sa iregularidad sa Ospital ng Biñan
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Binaril at napatay ang isang babaeng na tumatayo bilang saksi sa isang kasong naisampa sa Ombudsman ng nag-iisang assassin sa Barangay Canlalay, Biñan City, Laguna, kahapon ng umaga.
Nakilala lamang ang biktima sa isang alyas “Phoebe Dawn”, residente ng Barangay Sto. Tomas, dead-on-the- spot sa crime site.
Ayon sa mga saksi, walang suot na panakip sa mukha ang gunman nang salakayin ang biktima saka agad na tumakas dakong 10:30 ng umaga.
Katatapos lang dumalo ng biktima sa pagdinig sa korte nang siya ay barilin ng malapitan ng hindi pa nakikilalang salarin.
Saksi ang biktima sa kasong isinampa noong Nob. 2024 sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa konstruksyon ng Ospital ng Biñan o OSBIN at paglabas ng daan-daang milyong pondo kahit hindi ito natapos at walang permit.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, idinawit niya ang ilang lokal na opisyal at iba pang indibidwal sa kaso.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at hinahanap din ang CCTV video footage na naka-install sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
- Latest