2 paslit na magkapatid tepok sa sunog

COTABATO CITY, Philippines — Dalawang bata na magkapatid batang lalaki ang magkasamang nasunog ng kanilang munting bahay sa Barangay Lower Rubia, Sinacaban, Misamis Occidental nitong Lunes.
Sa ulat, malayo sa mga kapitbahay ang nasunog na barung-barong na gawa lang sa sawali ang dingding at sahig na tabla na tinitirhan ng magkapatid na isang 4-taong gulang at 2-taong gulang.
Kinumpirma nitong Martes ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection na naka-destino sa Sinacaban at ng mga imbestigador mula sa Sinacaban Municipal Police Station ang pagkasawi ng dalawang bata sa insidente.
Sa mga hiwalay na ulat ng barangay officials sa Lower Rubia at ng mga kawani ng Sinacaban Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, iniwan ng mga magulang ang dalawang bata sa kanilang bahay na nakakandado ang pinto dahil may pupuntahan sila sa kabilang ibayo.
Posibleng isang gasera na nakasindi ang siyang pinagmulan ng sunog na tumupok sa kanilang bahay na hindi na nagawa pang makalabas ng mga paslit, ayon sa mga kinauukulan.
Nangako ng ayuda sa pagpapalibing ng dalawang mga batang natupok ang municipal government ng Sinacaban.
- Latest