5 minero, tigok sa makipot na tunnel
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Limang minero ang natagpuang kapwa patay sa loob ng isang malalim at makipot tunnel sa Barangay Runruno, Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ng Quezon Police ang mga nasawi na sina Daniel Segundo Paggana, 47; Lipihon Ayudan, 56; Florencio Indopia, 63; pawang residente ng Barangay Runruno; Alfred Bilibli, at Joval Bantiyan; kapwa residente naman ng Barangay Cabuan, Maddela, Quirino.
Lumalabas sa ulat ng pulisya, isang nagngangalang Russel Tumapang, 29, residente ng Barangay Runruno ang nakadiskubre sa wala nang buhay na katawan ng mga biktima matapos pumasok sa loob ng tunnel sa Sitio Compound dakong ala-1:00 ng madaling araw.
Personal naman na ipinagbigay alam ni Barangay Captain John Babliing ang pangyayari sa mga awtoridad.
Ayon pa imbestigasyon, ang mga illegal miners ay maaaring nawalan ng oxygen sanhi upang masawi matapos madiskubre ang kanilang mga bangkay sa may 300 metro na lalim ng naturang makipot na tunnel.
Nagtutulungan ang pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), pribadong sektor at iba pang kawani ng gobyerno sa pagkuha sa bangkay ng mga minero sa tunnel.
- Latest