Matapos malamang buntis… 18-anyos dalaga pinatay sa sakal, ibinaon ng bf!

TABACO CITY, Albay, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 18-anyos na dalaga sa kamay ng kanyang boyfriend matapos na patayin sa sakal makaraang malaman nitong buntis ang una saka ibinaon sa tagong lugar ng Purok-5, Brgy. Pawa, Tabaco City, Albay kahapon ng madaling araw.
Hustisya ang sigaw ng mga kaanak ng biktima na si alyas “Rose-Ann”, na magkokolehiyo sana ngayong pasukan habang sumuko naman sa Tabaco City Police Station matapos makonsenya ang suspek na si alyas “Noel”, 20-anyos, kapwa residente ng naturang barangay.
Sa ulat, hatinggabi noong Linggo ay boluntaryong sumuko kasama ang kanyang mga magulang ang suspek sa police station at umaming napatay nito ang kanyang kasintahan na dalawang araw nang nawawala at pinaghahanap.
Naikuwento pa ng suspek na ibinaon niya ang kasintahan.
Dahil sa pag-amin kasama ang suspek ay agad pinuntahan ng mga pulis ang lugar na pinagbaunan sa biktima kahapon ng madaling araw.
Ilang sandali ng paghuhukay ay tumambad ang nakabaong dalaga.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, noong Biyernes ay nagkita ang magkasintahan sa isang kubo sa naturang lugar at nag-usap hinggil sa pagbubuntis ng dalaga. Gayunman, sa gitna ng pag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahilan para sakalin ng suspek ang kasintahan hanggang sa mamatay.
Makaraang mapatay ay dinala ng suspek ang bangkay ng nobya sa labas ng kubo at gamit ang pala ay ibinaon ang dalaga sa isang tagong lugar.
Pero makalipas ang ilang araw ay nakonsensiya ito at umamin sa mga kamag-anak at magulang sa krimeng ginawa.
Depensa ng suspek, una siyang sinakal ng biktima kaya niya nagawa ring sakalin hanggang sa mamatay.
Isinailalim na sa autopsy ang bangkay ni Rose-Ann para malaman kung buntis nga ito at sanhi nang pagkamatay. Hawak na ng mga pulis ang binata na nahaharap sa kaso ng pamamaslang.
- Latest