Kotse nadaganan ng puno: Pamilya himalang nabuhay

CALAUAG, Quezon, Philippines — Himalang nakaligtas sa kamatayan ang isang pamilyang sakay ng isang kotse na nadaganan ng natumbang malaking puno ng Narra sa Maharlika highway ng Barangay Binutas sa bayang ito kamakalawa ng hapon.
Bagama’t mistulang niyuping lata ang kinahinatnan ng Toyota Wigo, bahagya lamang na nagtamo ng minor injury si Ellaine, 35, habang wala namang tinamong pinsala ang driver ng sasakyan at asawa niyang si Alejandro, 35 at ang dalawa nilang paslit na anak na sina Apollo, 5 at Andrea, 1, pawang taga-Barangay Mapagong, Pagbilao, Quezon.
Base sa imbestigasyon ni PStaff Sgt. Aldrin A. Marquinez, officer on case, alas-5:30 ng hapon ay binabagtas ng kotse ang Northbound na direksyon nang biglang natumba ang malaking puno na Narra na nasa gawing kaliwa ng highway at agad na nadaganan ang sasakyan.
Nagtulong-tulong ang mga residente na mailabas sa nayuping kotse ang pamilya.
Ayon sa pulisya, may posibilidad na lumambot ang lupang kinatitirikan ng puno dahil sa mga pag-ulan at nang humampas ang malakas na hangin ay nabunot ang ugat hanggang sa tuluyang natumba.
- Latest