2 DI terrorist todas sa encounter, 2 pa timbog!
Suspects sa pagpatay sa 3 goat dealers
MANILA, Philippines — Dalawang miyembro ng Dawlah Islamiyah (DI) terrorist group na sangkot sa pagpatay sa tatlong negosyanteng taga-Batangas na dealer ng kambing ang nasawi habang dalawa pa ang nasakote matapos makaengkuwentro ang tropa ng mga sundalo sa Brgy. Libutan, Mamasapano, Maguindanao del Sur kamakalawa.
Sa report ni Army’s 603rd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Edgar Catu, dakong ala-1 ng madaling araw nang maglunsad ng military operations ang kaniyang mga tauhan laban sa DI-Hassan terrorist group matapos makatanggap ng impormasyon sa kanilang pagtitipon at nagpaplanong magtanim ng improvised explosive devices (IEDs) sa mga matataong lugar.
Ayon kay Catu, dalawang lokal na terorista ang napatay sa operasyon na kinilalang sina Tahir Salim Suweb, 41, ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, at Benladin Adi Kamid, 23, ng Guindulungan, Maguindanao del Sur.
Nasakote naman sina Junjun Kayogen Leoson, 37, at Rasul Kariman, 31 ng Guindulungan, Maguindanao del Sur; pawang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Nakumpiska sa lugar ng bakbakan ang dalawang M16 rifles, isang cal. 45 pistol, mga sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IED), isang unexploded ordnance (UXO), mga cellphone, isang Bushnell monocular scope, sirang bipod, kagamitang pangkomunikasyon, at isang pambabaeng clutch bag na naglalaman ng mga pekeng IDs.
Ang mga suspect umano ay sangkot sa pagpaslang sa tatlong taga-Batangas na negosyanteng dealer ng kambing na natagpuang nakabaon sa mababaw na hukay sa Brgy. Nabundas, Shariff Saydona Mustapha noong Mayo 30.
Ang mga suspect din umano ang responsable sa pananambang sa tropa ng militar sa Datu Hoffer noong Marso ng nakalipas na taon na ikinasawi ng apat na sundalo.
- Latest