Zamboanga info officer tinodas ng bodyguard

COTABATO CITY , Philippines — Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang provincial information officer sanhi ng pamamaril mismo ng kanyang security escort nitong gabi ng Huwebes habang sila ay nasa isang beach resort sa bayan ng Vincenzo Sagun sa Zamboanga del Sur.
Sa ulat ng mga opisyal ng Vincenzo Sagun Municipal Police Station at ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office, hindi na umabot nang buhay sa pagamutan si Jesriel Gasper Himang, information officer ng Zamboanga del Sur provincial government na binaril ng apat na beses ng kanyang bodyguard na si Reymond Antifuelo Lopecillo.
Nagtamo naman ng dalawang tama ng bala ang kasama ni Himang na si Celquen Mae Arellano na pinaputukan din ni Lopecillo na agad na naaresto ng mga barangay officials at mga kasapi ng Vincenzo Sagun Police na nagresponde sa madugong insidente sa Purok Puting Balas, Barangay Ambulon, Vincenzo Sagun.
Ayon kay Capt. Brainhulla Sakkam, municipal police chief ng Vincenzo Sagun, nag-iinuman sina Himang, Arellano at si Lopecillo sa isang function facility ng Beach Resort sa Purok Puting Balas ng biglang nagtalo silang tatlo bago umalingawngaw ang ilang mga putok sa kapaligiran.
Sa salaysay ng mga saksi, biglang naglabas ng .45 caliber pistol si Lopecillo sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo at agad na pinagbabaril sina Himang at Arellano.
Hindi na pumalag si Lopecillo nang disarmahan ng mga pulis na kasama ni Sakkam na mabilis na nakaresponde sa insidente.
- Latest