P80 milyong kada buwan, nalulugi sa nakawan ng kuryente sa Albay
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Umaabot na umano sa hindi bababa ng P80-milyon bawat buwan ang nalulugi ng Albay Electric Cooperative dahil sa malawakang pagnanakaw ng kuryente ng maraming consumers nito sa buong lalawigan dahilan para ikonsidera ang Aleco na pangatlong “ailing cooperative” sa Kabikolan.
Ito ang inamin ni Engr. Mark Jessan Lucilo, hepe ng Technical Services Division ng Aleco sa ipinatawag na System Loss Reduction Forum na dinaluhan ni Col. Roque Bausa, assistant regional director for operation ng Police Regional Office 5; board member Victor Ziga Jr. na chairman ng committee on power and energy ng Sangguniang Panlalawigan; ABC provincial president at Legazpi City Mayor-elect Hisham Ismail; National Electrification Administration technical assist Engr. Gerardo Pomoy, at ilang kasapi ng board of directors sa pangunguna ni board vice president Cezar Bordeos Jr.
Dahil sa mga lumang kable at ekipahe kaya nagiging sanhi rin ng technical losses pero napakalaki ng ambag sa pagnanakaw ng kuryente dahilan para umakyat sa 23.45 percent ang system loss.
May pinakamalawak sa pagnanakaw ng kuryente ang Area 1 na sumasakop sa mga bayan ng Sto. Domingo, Bacacay, Malilipot, Malinao, Tiwi at Tabaco City na nasa 29.35 percent system loss; Area 3 ng Guinobatan, Jovellar, Pio Duran, Libon, Oas, Polangui at Ligao City na nasa 30.70 percent; habang may pinakamababa ay ang Area 2 ng Rapu-Rapu, Manito, Daraga at Legazpi City na 16.58 porsyento. Ayon sa datos, simula noong taon 2023 hanggang kasalukuyan ay nasa 122,712,747 piso na ang nalugi ng electric cooperative.
- Latest