Abu Sayyaf todas sa shootout sa Zamboanga
MANILA, Philippines — Patay ang isang pinaghihinalaang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) matapos na makasagupa ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa isinagawang law enforcement operation sa Zamboanga City, ayon sa ulat kahapon.
Sa pinagsamang ulat ng Zamboanga City Police at ng AFP-Western Mindanao Command (AFP-Westcom), kinilala ang napaslang na Abu Sayyaf na si Nasser Taman, gumagamit ng alyas na “Gapur”, 29.
Ang suspect ay nanlaban umano sa arresting team habang isinisilbi ang warrant of arrest laban dito.
Ayon kay P/Col. Fidel Fortaleza, Zamboanga City Police Director si Taman ay napatay sa law enforcement operation ng pulisya at militar noong Hunyo 17 sa Sitio Cambodia, Sangali Village ng lungsod, alas-8:05 ng gabi.
Sinabi ng opisyal, nagsimula ang shootout matapos namang unang magpaputok ng baril si Taman sa direksiyon ng Philippine Marine troops na nagsisilbing blocking force habang nagtatangkang tumakas pasakay ng bangkang de motor sa tabing dagat.
Agad namang gumanti ng putok ang mga sundalo at matapos ang ilang minuto ay duguang humandusay ang nasabing bandido na napatay sa shootout.
- Latest

















