Nag-inom saka nag-road trip: 3 patay, 5 sugatan!

CAVITE MANILA, Philippines — Dahil sa kalasingan umano ng mga kabataang estudyante na bagong graduate ng senior high school na nag-road trip, patay ang tatlo katao kabilang ang isang buntis habang lima pa ang sugatan sa salpukan ng isang kotse at multi-purpose vehicle (MPV) sa Bypass Road ng Brgy. Zambal, Tagaytay City nitong Martes ng madaling-araw.
Sa ulat, patay lahat ang sakay ng kotseng Toyota Corolla na magkakamag-anak na kinilalang sina Jemar Pelias, 47-anyos, driver ng nasabing sasakyan, residente ng Brgy. Manggas II, Alfonso; ang sinasabing buntis na si Jenalyn ng San Fernando, Pampanga at isa pang lalaki na inaalam ang pagkakakilanlan.
Ang mga sugatan na umano’y nakainom kabilang ang driver na nasa kritikal sa pagamutan ay kinilalang sina Francesco Maurisse Tan Erni, 18-anyos, driver ng MPV na Nissan Grand Livina XR Luxury 1.8L AT, residente ng Brgy. Galacia III, Mendez; Dan Kian Mickell Decasa, 18-anyos ng Galacia II, Mendez; Gabriel Ronald Lomibao, 19-anyos, ng Brgy. Patutong Malaki North, Tagaytay City; isang alyas “Jinkerstin”, 17-anyos ng Brgy. Galacia III, Mendez, at Gabrielle D Villanueva,18, ng Brgy. Marahan I, Al-fonso, pawang sa Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-12:50 ng madaling araw habang bumabagtas ang kotse patungong east direction sakay ang mga magpapamilya para magpa-check up sana ang nasabing buntis sa ospital nang salpukin sila ng humahagibis na van ng mga kabataang lasing na nag-road trip umano.
May kabilisan umano ang patakbo ng van ng mga suspek at sa lakas ng impact ng pagkakasalpok, halos nayupi at nawasak ang kotse ng mga biktima na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng mga sakay nito.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, lasing umano ang driver at sakay ng nasabing MPV na pawang nasugatan sa insidente.
“Nag-inom tapos nag-road trip, kaka-graduate lang ng high school,” pahayag ni PLt. Col. Jefferson Ison, hepe ng Tagaytay City Police.
“Pagewang-gewang, nagyayabang nga,” dagdag niya.
“’Yung Toyota Corolla, nagmagandang loob lang ‘yung may-ari ng sasakyan dahil ‘yung Jenalyn buntis, magpapa-check up,” dagdag ng opisyal.
Mahaharap sa kasong multiple homicide, damage to property, at multiple physical injuries ang driver ng MPV.
- Latest