Lolo, 17-anyos apo todas sa ambush sa Zamboanga

COTABATO CITY, Philippines — Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang 78-anyos na lolo at ang kanyang menor-de-edad na apo nang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Calabasa, Zamboanga City nitong umaga ng Martes.
Sa ulat ng Zamboanga City Police Office nitong Miyerkules, magkaangkas sa motorsiklo sina Ronaldo Tumambid at ang kanyang apo, si Marjon, 17-anyos, galing sa pagpapa-xerox ng senior citizen ID nang sila ay tambangan at paulanan ng bala gamit ang M16 ng mga suspek na nakaabang sa gilid ng kalye sa Sitio Dulian, Barangay Calabasa dakong alas-10 ng umaga.
Mabilis na nakatakas ang mga salarin bago pa man makarating sa pinangyarihan ng ambush ang mga barangay tanod at community leaders na nag-responde sa insidente.
Agad na namatay si Tumambid at ang kanyang apo sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan, ayon sa mga barangay officials at mga pulis na nagtutulungan sa pagkilala sa mga responsable sa krimen upang masampahan ng kaukulang mga kaso.
Narekober sa lugar ang 12 basyo ng M16.
- Latest