81-anyos Amerikano, misis ninakawan na, kinatay pa!

MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang 81-anyos na Amerikano at misis nitong Pinay na matapos na pagnakawan ay pinatay pa sa saksak ng hindi pa nakilalang mga salarin sa Brgy. Liloan, Ormoc City, nitong Miyerkules.
Sa inisyal na ulat ng Ormoc City Police, ang bangkay ng mag-asawa na hindi pa pinangalanan ay nadiskubre nitong Miyerkules ng umaga sa loob ng kanilang tahanan sa nasabing lugar.
Nabatid na nagtungo ang kapatid ng biktimang Pinay, 65-anyos, sa tahanan ng mga biktima at dito na nakita na kapwa naliligo sa dugo ang mag-asawa at wala nang buhay. Sila ay kapwa nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang kumitil sa kanilang buhay.
Magulong-magulo naman ang buong kabahayan ng mag-asawa at nawawala ang ilang mga kagamitan, pera, alahas at iba pa.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon sa kasong ito ang mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga salarin na nasa likod ng pagnanakaw at pagpatay sa mag-asawang matanda.
- Latest