Gasolinahan pinasabog: 4 katao sugatan

MANILA, Philippines — Apat katao ang sugatan matapos yanigin ng pagsabog ang isang gasoline station na hinihinalang kagagawan ng ekstremistang grupo sa Brgy. Matibay, Lamitan City, Basilan nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Gunong Reyyan, 20 taong gulang, isang estudyante ; Mut-ab Muntasil Gunonng, 23, gas station attendant; Naim Lamla Tomas, 30, gas station attendant at Jamil Mataud Mahmud, 45; obrero. Sila ay pawang nilalapatan na ng lunas sa Lamitan District Hospital sa tinamong mga sugat sa katawan sa nangyaring pagsabog.
Batay sa report, dakong alas-3:40 ng hapon nang mangyari ang pagsabog sa AG Gas Station na pag-aari ng negosyanteng si Abubakar Gunong sa Brgy. Matibay, Lamitan City .
Natagpuan naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Basilan Provincial Explosive and Canine Unit ng post-explosion at natagpuan ang mga fragments ng sumabog na granada.
Ayon sa mga local executives at mga traditional community leaders sa Lamitan City, malakas ang indikasyon na mga extortionists ang nasa likuran ng naturang pambobomba, naglalayong takutin ang may-ari ng gasoline station upang mapilitang magbigay ng “protection money” sa may kagagawan nito.
- Latest