Lider ng NPA, 2 pa todas sa Leyte encounter
MANILA, Philippines — Tatlong rebeldeng New People’s Army (NPA) kabilang ang kanilang lider ang napatay makaraang makasagupa ang tropa ng mga sundalo sa Brgy. Cogon, Carigara, Leyte nitong Miyerkules.
Kinilala ang mga napatay na rebelde na sina Juanito Sellesa Jr., alyas Ka Tubor, lider ng grupo at tumatayo ring Executive member ng Island Committee(IC) Levox Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC); Eugene Paclita, pinuno ng Squad 2 IC Levox at Lito Delante, miyembro ng Squad 2, IC Levox ng komunistang grupo.
Sa report ng tanggapan ni Major Gen. Adonis Orio, Commander ng Army’s 8th Infantry Division (ID), nagresponde ang tropa ng Army’s 93rd Infantry Battalion sa report ng mga sibilyan hinggil sa armadong presensya ng grupo ng mga rebelde sa kanilang lugar.
Gayunman, papasok pa lamang ang mga sundalo sa nasabing barangay ay sinalubong na sila ng pagpaputok ng mga rebelde na nauwi sa bakbakan na ikinasawi ng tatlong rebelde.
Narekober ng militar sa lugar ang isang M16 rifle na may dalawang mahabang magazine, isang cal. 45 pistol, isang granada, mga personal na kagamitan at mga subersibong dokumento.
Sa tala, ang grupo ni Sellesa ay wanted sa kasong pagpatay sa sibilyang si Jesus Sarcilla sa Brgy. Binibihan, Carigara noong Disyembre 7, 2021 na pinagbabaril sa harapan ng anak nito.
- Latest