6-anyos hinataw ng kahoy, isinako ng ina, todas!

Umalis nang walang paalam
MANILA, Philippines — Kalunos-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang 6-anyos na batang babae matapos hambalusin ng matigas na kahoy ng sarili nitong ina na isinako pa ang walang kalaban-labang anak sa naganap na insidente sa Lamitan City, Basilan, ayon sa ulat kahapon.
Sa report na tinanggap ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Police Chief P/Brig. Gen. Romeo Macapaz, ang insidente ay nangyari sa lungsod noong Sabado (Hunyo 14) ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-2:30 ng hapon nang umalis ang biktima sa kanilang tahanan sa lungsod ng Lamitan at sumama sa pinsan nito para bumili ng gulay nang hindi umano nagpaalam sa kaniyang ina.
Nagalit naman ang ina at hinanap ang bata na nakita nito sa tabing kalsada habang naglalakad kung saan agad na nilapatan saka pinaghahambalos ng matigas na sanga ng punong kahoy.
Hindi pa nakuntento ang sadistang ina ay kinaladkad pa ang bata pauwi sa kanilang tahanan.
Sinabi pa sa ulat na nang nanlulupaypay na ang biktima sa tinamong mga sugat at pasa sa katawan sa paghambalos ng kahoy ng ina.
Ayon sa ilang saksi, pagdating sa bahay sinilid ng ina ang batang anak sa sako.
Nang mapansin ng ina na hindi na kumikilos ang anak, dinala niya ito sa Lamitan District Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival.
Nasa kustodiya na ng Lamitan City Police ang suspek at isasailalim sa sa medical at physical examination.
Nahaharap sa kasong parricide na may kaugnayan sa Republic Act 7610 o batas na nagbibigay ng special protection sa mga bata laban sa pang-aabuso, exploitation, at discrimination.
Nanawagan naman si PBrig. Gen. Romeo Macapaz, Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro Auntonomous Region sa publiko na maging alerto at iulat ang mga kaso ng child abuse.
- Latest