Construction inatake ng ‘Bonnet Gang’, PWD binaril
CAVITE, Philippines — Dahil sa hindi narinig ang sinabing “holdap to” ng mga suspek, inakalang manlalaban ang isang obrero na may diperensya sa pandinig kung kaya binaril siya ng isa sa mga suspek nang umatake sa isang construction site sa Brgy Paliparan 3 Dasmariñas City, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyan ngayong inoobserbahan sa pagamutan ang biktima matapos magtamo ng tama ng bala sa mukha at tumagos sa braso nito ang person with disability (PWD) na si Alberto Mateo 49-anyos , stay-in sa construction site na pinagtatrabahuan nito sa Villar City, Barangay Paliparan 3, Dasmariñas City.
Sa ulat ng pulisya, alas-10 ng gabi habang nasa loob ng kanilang barracks ang apat na biktima nang bigla umanong pumasok ang 4 na lalaki na pawang mga naka-jacket at may bonnet sa ulo.
Dalawa umano sa mga suspek ay armado ng maiksing baril at agad na nagdeklara ng hold-up.
Sa kabila nito, hindi alintana ng biktima ang nagyayaring paghoholdap dahil hindi nito narinig ang sinabi ng mga suspek dahil sa pagiging bingi.
Inakala pa ng biktima na mga bisita ang mga suspek kung kaya nilapitan pa pero agad siyang binaril.
Habang duguan ang biktima ay mabilis na nilimas ng mga suspek ang mga pera, cellphone at iba pang mahahalagang gamit ng mga obrero bago mabilis na nagsitakas.
Agad namang itinakbo sa Pagamutan ng Dasmariñas ang biktima at kasalukuyan ngayong inoobserbahan.
- Latest