Mag-asawa, sekretarya timbog sa P5 bilyong investment scam!

BATANGAS, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon ang mag-asawang may-ari ng isang kumpanya at ang kanilang sekretarya, kaugnay sa pinakamalaking investment scam sa Batangas na aabot sa 5-bilyong piso ang halaga.
Unang inaresto ng Alitagtag Municipal Police Station ang sekretarya ng kumpanya na si Apply Joy Templo, 29, sa inuupahang bahay nito sa Barangay Poblacion 2, Balayan, Batangas.
Si Templo ay rank number 5 sa provincial most wanted person list ng Batangas dahil sa kasong syndicated estafa, batay sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 253 sa Las Piñas City.
Gamit ang parehong arrest warrant, inaresto ng Cuenca Municipal Police, kasama ang mga operatiba ng Occidental Mindoro Police Station si Ronald Rivera, 34, presidente at CEO ng kanilang kumpanya, at ang kanyang asawang si Shielan Criscel Rivera, 34, sa bayan ng Calintaan.
Ayon kay Maj. Charlie Reyes, hepe ng Cuenca Municipal Police, agad nilang minanmanan ang kinaroroonan ng mag-asawa matapos makumpirma ang arrest warrant laban sa kanila.
Nagawang magpatayo ang mag-asawa ng batching plant sa Occidental Mindoro sa kabila ng maraming reklamo mula sa mga investor na kanila umanong naloko sa Batangas.
Noong 2023, lumapit na ang ilang biktima sa Department of Justice upang humingi ng tulong laban sa mga-asawa.
Karamihan sa mga biktima ay mula sa Batangas, partikular sa Lipa at Cuenca, kung saan iniulat ang kanilang pagkalugi na aabot sa daan-daang milyong piso.
May ilang naloko rin sa Metro Manila at maging sa Hilagang Luzon.
Noong 2021 umano nagsimulang mag-alok ng investment ang kumpanya ng mag-asawa, na nangangako ng halos dobleng kita sa maikling panahon.
Sinabi umano ng mag-asawa sa mga investor na marami silang order para sa aggregates at mabilis ang balik ng puhunan.
Upang patunayang lehitimo ang negosyo, ipinasyal pa ng mga suspek ang mga investor sa kanilang planta.
Ngunit matapos ang ilang transaksyon, nabigong maibalik ng mag-asawa ang puhunan at wala ring natanggap na kita ang mga biktima. Nagsimula na ring tumalbog ang mga tsekeng ibinigay sa kanila.
Tumanggi ang mga suspek na magbigay ng pahayag sa media.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang paglaya ng mga akusado.
Tatlo pang suspek na kamag-anak umano ng mag-asawang Rivera ang kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
- Latest