Bomb threat sa tissue, nadiskubre sa CR ng eroplano!

MANILA, Philippines — Nabulabog ang mga cabin crew ng isang airline company nang madiskubre ang bomb threat na nakasulat sa isang tissue paper sa loob ng comfort room (CR) ng isa nilang eroplano na kalalapag lang sa Zamboanga International Airport sa Zamboanga City noong Sabado ng umaga.
Ayon sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), alas-8:20 ng umaga ng Hunyo 14 nang mapansin ng isang flight attendant na nagsagawa ng inspeksyon ang rolyo ng tissue paper na may nakasulat na “BOMBA” sa toilet ng eroplano.
Nabatid na galing sa Maynila ang eroplano na naghatid ng mga pasahero sa Zamboanga.
Agad ipinaalam ng flight attendant sa ground security personnel ang natuklasan na mabilis nirespondehan ng CAAP, sa pamamagitan PNP-Aviation Security Group na nag-inspeksyon at ini-activate ang aviation security protocols.
Matapos ang ilang sandaling paggalugad sa lugar, walang nakitang anumang pampasabog o bomba sa loob ng eroplano.
“By 8:59 AM, the situation was declared under control, and normal operations at Zamboanga International Airport resumed. All passengers were cleared for boarding, and flight activities continued without further disruption,” ayon sa CAAP.
Kaugnay nito, muling nagpaalala sa publiko ang CAAP na mapaparusahan sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 ang anumang bomb threats, maging verbal o nakasulat o sa iba pang paraan. Ito ay isang krimen dahil sa malisyosong pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa mga bomba o pampasabog.
- Latest