2 LTO official inireklamo ng pambabastos, pananakit ng singer, 3 pa sa karaoke lounge
MANILA, Philippines — Dalawang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) sa Region 2 (Cagayan Valley) ang namumurong masibak sa puwesto matapos ireklamo ng pambabastos at pananakit sa isang dalagang singer, kanyang ina at dalawa pang kasamahan sa isang karaoke lounge sa Brgy. Caggay, Tuguegarao City, Cagayan.
Sa report ni Police Regional Office (PRO)-2 Director Brig. Gen. Antonio Marallag Jr. kinilala lang ang mga nagrereklmo sa mga pangalang “Vanessa”, singer, 20-anyos; alyas “Rey”, 15-anyos at “Christopher”, 20-anyos.
Ayon kay Marallag, ang pormal na reklamo ay isinumite na sa City Prosecutor’s Office noong Hunyo 13 at kanila itong iindorso ngayong Hunyo 16 sa nasabing tanggapan.
Ayon sa pulisya, ang mga biktima ay nagkakatuwaan sa karaoke lounge nang bigla umanong dumating si LTO Region 2 Assistant Regional Director Manuel Baricaua at Chief Enforcer Charles Ursulum at naupo sa tabi ng lamesa ni Vanessa habang siya ay kumakanta sa nasabing karaoke lounge sa Brgy. Caggay ng lungsod.
Habang kumakanta si Vanessa ay hinapit umano ito sa baywang ni Baricaua pero dahil naasiwa ay umiwas ang dalaga kung saan ay tinawag naman siya ni Ursulum na pinauupo sa tabi ng LTO Cagayan regional director pero muli siyang tumanggi habang humingi naman ng paumanhin ang ina nitong si Maria na hindi pinansin ng mga nairitang opisyal.
Sa puntong ito, tumayo ang dalawang LTO officials at pinagsasampal saka pinagsisipa ang mga kasamahan ni Vanessa na sina Rey at Christopher. Tinangka naman ng ina ng dalaga na sawayin ang dalawang LTO officials pero sinabunutan umano siya ng isa sa kanila.
Matapos ang insidente, kumonsulta sa abogado ang mga biktima at tinulungan sila sa paghahain ng reklamo at idinulog din sa pulisya ang kaso.
- Latest