Oil tanker salpok sa multicab: 2 utas, 3 kritikal

COTABATO CITY, Philippines — Dalawa ang nasawi at tatlong iba pa ang malubhang nasugatan sanhi ng salpukan ng isang oil tanker truck at isang multicab sa isang bahagi ng highway sa Barangay San Mateo sa Aleosan, Cotabato nitong hapon ng Biyernes.
Sa ulat ng Aleosan Municipal Police Station kay Col. Gilberto Tuzon, director ng Cotabato Provincial Police Office, agad na namatay sa insidente ang isang Moro na driver ng multicab na si Beebhot Ulangkaya at kasamang babae na si Jahara Musa, parehong mga residente ng Pikit, Cotabato.
Tatlo pa nilang mga kasama, sina Bailanie Musa, Gino Ulangkaya at Juharto Alimanan, ang nagtamo ng maselang mga sugat at pasa sa katawan. Sila ay agad na isinugod sa hospital ng mga barangay officials at mga pulis na nagresponde sa insidente.
Ayon sa mga saksi at mga imbestigador ng Aleosan Municipal Police Station, ang tanker truck ay patungong Cotabato City habang ang multicab naman ay nagbibiyahe pauwi na sa Pikit ng maganap ang aksidente.
Sa salaysay ng mga saksi sa mga pulis na nag-imbestiga sa insidente, biglang nag-overtake ang multicab na minamaneho ni Ulangkaya sa sinusundang sasakyan kaya nito nasapol ang fuel tanker na kasalubong mula sa kabilang direksyon ng highway.
- Latest