Liaison officer, itinumba ng naka-helmet
MANILA, Philippines — Patay ang isang liaison officer nang pagbabarilin ng isang ‘di kilalang salarin habang lulan ng kanyang motorsiklo sa isang ambush sa Antipolo City kamakalawa.
Nasawi noon din ang biktimang si alyas “Mar”, 49-anyos, residente ng Brgy. Mambugan, Antipolo City, Rizal dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Samantala, nakatakas at pinaghahanap na ng mga awtoridad ang salarin na inilarawan ng mga testigo na nakasuot ng full-face helmet at lulan ng isang itim na motorsiklo.
Sa ulat ng Antipolo City Police, alas-7:50 ng umaga, sakay umano ang biktima ng kanyang motorsiklo at pauwi na sana ng kanilang tahanan nang bigla na lang tambangan ng salarin at kaagad na paulanan ng bala pagsapit sa Brgy. Mambugan.
Nang matiyak na napuruhan ang biktima, mabilis na tumakas ang salarin, bitbit ang armas na ginamit sa krimen.
- Latest