LTO official sa Baguio, sinibak ng DOTr
Nagmaneho ng lasing
MANILA, Philippines — Agarang sinibak sa puwesto ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang pinuno ng Licensing Center ng Land Transportation Office (LTO) sa Baguio City matapos na mahuli ng mga awtoridad na nagmamaneho ng lasing.
Sa isang pulong balitaan kahapon, mismong si Dizon ang nag-anunsiyo ng pagsibak sa puwesto kay Engr. Edilberto Bungaoen.
Ayon kay Dizon, noong Hunyo 11 ay mismong si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang tumawag sa kanya upang ipagbigay-alam ang pagkakaaresto kay Bungaoen ng mga pulis at mga traffic enforcers habang nagmamaneho ng sasakyan habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak noong Hunyo 10.
Kaagad aniya niyang ipinag-utos ang pagsibak sa puwesto kay Bungaoen at nanindigang ang mga ganitong uri ng tao na lumalabag sa batas ay walang puwang sa pamahalaan.
Ani Dizon, “unacceptable” o hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng nasabing opisyal dahil ang isang tao aniya na nagtatrabaho sa LTO ay dapat na maging mabuting ehemplo at tumatalima sa batas.
- Latest