Waiting shed inararo ng pick-up truck: Ginang utas,3 sugatan

MACALELON, Quezon, Philippines — Namatay agad ang isang babaeng vendor habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan makaraang araruhin ng isang pick-up truck ang kanilang kinatatayuang waiting shed sa Barangay Mabini sa bayang ito, kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Mafe,54,ng Barangay Lawigue, Tayabas City.
Ginagamot naman sa Gumaca District Hospital ang mga sugatang sina Carlo, 16, Elly, 84,kapwa ng Barangay Mabini Ilaya Macalelon at ang isa pang vendor na si Divine, 58.
Base sa imbestigasyon ni PSsg. Jaymar Persia, officer on case, bandang alas-12:45 ng tanghali ay magkakasamang nakatayo ang mga biktima sa waiting shed nang araruhin sila ng Lucena City bound na Nissan Navarra pick-up na minamaneho ni Delfin ng Mulanay, Quezon.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nawasak ang waiting shed at tuluyang nadaganan ang biktima na si Mafe na nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan at ikinasugat ng tatlong iba pa.
Sa salaysay sa pulisya ng driver ng pick-up , nawalan siya ng kontrol sa manibela sa pakurbang bahagi ng kalye hanggang tuluyang araruhin ang waiting shed.
Nakapiit ngayon sa municipal jail ang driver at nahaharap sa kaukulang mga kaso.
- Latest