PRO7, ipinakita kahandaan sa 5-minute response

MANILA, Philippines — Ipinakita ng Philippine National Police- Police Regional Office 7 ang kanilang kahandaan sa 5-minute response nang isagawa ang surprise simulation exercises sa tatlong lugar sa lalawigan ng Cebu.
Ayon kay PNP PRO7 Director PBGen. Redrico Maranan, tugon ito sa nakatakdang paglulunsad ng unified emergency hotline 911 sa ilalim ng pamumuno ni PNP chief PGen. Nicolas Torre III.
Unang isinagawa ang simulation nitong Hunyo 10 bandang alas-10:00 ng gabi kung saan nagpanggap na 911 caller ang security personnel ng Summit Galleria Hotel sa Cebu City at inireport ang isang armadong sibilyan sa nasabing hotel. Sa loob ng 3 minuto at 5 segundo dumating ang mga pulis.
Bandang alas-10:30 ng gabi ang sumunod na 911 caller na isang cashier at inireport ang lasing na lalaki na nanggugulo sa isang gasolinahan sa Lapu Lapu City. Nakaresponde ang mga pulis sa loob ng 2 minuto at 30 segundo.
Kinabukasan Hunyo 11 bandang alas-9:30 ng umaga nang itawag ang simulation incident ng isang concern citizen dahil sa panghoholdap sa Phoenix Gasoline Station sa Cebu City.Nasa lugar na ang mga pulis sa loob ng 3 minuto at 55 segundo.
Binigyan diin ni Maranan na hindi lamang kakayahan ng pulis ang ipinakita sa pagresponde kundi ang kanilang dedikasyon sa trahabo at matulungan ang mga nasa panganib sa mabilis na pamamaraan.
Ang mabilis na pagresponde ng mga pulis ay resulta ng kanilang tuluy-tuloy na pagsasanay, koordinasyon at disiplinasa sa Central Visayas.
- Latest