Tinedyer na ‘runner’, timbog sa P1.2 milyong shabu
MANILA, Philippines — Isang 19-anyos na lalaki ang naaresto at nasamsam sa kanya ang tinatayang P1.2 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Benito, Dinalupihan, kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas “Melmel,” residente ng Barangay Payumo, na umano’y nagsisilbing runner o delivery boy ng isang alyas “Apok,” na tinuturing ding drug personality sa lugar.
Ayon kay Dinalupihan Police Chief Lt. Col. Marcelino Marcos Teloza, inaresto ang suspek matapos maaktuhang nagbenta ng shabu sa isang operatibang nagpanggap na buyer.
Nasamsam mula kay “Melmel” ang 180.5 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard drug price na P1,227,400, pati na rin ang boodle money na ginamit sa transaksyon.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest