Notoryus na tulak, huli sa P1.8 milyong shabu
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Aabot sa P1.8 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nakumpiska ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) makaraang malambat sa anti-drug operation ang isang notoryus na tulak sa Pleasantville Subd. Brgy Ilayang Iyam, dito sa lungsod, kamakalawa.
Ayon kay PCol. Ruben B. Lacuesta, QPPO director, kinilala ang suspek na si Alyas “Tortoise”, 35, residente ng Barangay Mayao Crossing, Lucena City at kabilang sa talaan ng mga High Value Individuals (HVIs).
Sa buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) dakong alas-7:00 ng gabi ay nakumpiska mula kay Alyas Tortoise ang pitong piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, P1,500 na buy-bust money, isang digital weighing scale, isang pouch color blue at isang motorsiklo.
Tinatayang aabot sa kabuuang 90 gramo ng suspected shabu ang nakumpiska at nagkakahalaga ng P1,836,000.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 and 11 Article II ng R.A. 9165 ng Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
- Latest