‘Pasayahan sa Lucena 2025’ sinimulan
LUCENA CITY, Philippines - Sinimulan na ang isang linggong selebrasyon ng makulay at masayang “Pasayahan sa Lucena 2025” nitong Huwebes, Mayo 22.
Itinampok sa selebrasyon ang Chami Cooking and Eating Contest na nilahukan ng 12 grupo mula sa iba’t ibang bayan sa Quezon Province.
Kabilang sa mga nakilahok sa patimpalak ang mga delegasyon mula sa Lucena City at mga kalapit-bayan ng Sariaya, Pagbilao, San Antonio, at Candelaria.
Ang naturang kompetisyon ay naging makabuluhan dahil hindi lamang mga taga-lungsod ng Lucena ang lumahok, kundi maging mga kalahok mula sa karatig-bayan, bilang pagpapakita ng suporta at pagkakaisa sa pagtatampok ng lokal na pagkaing Chami.
Ayon kay Arween Flores, head ng City Tourism Office at chairman ng Pasayahan 2025, ang aktibidad ay bahagi ng layunin na higit pang ipakilala ang Chami bilang isa sa mga ipinagmamalaking lokal na pagkain ng Lucena at ng buong lalawigan.
Sa pagtatapos ng paligsahan, itinanghal na kampeon ang Team Pagbilao, habang nakuha ng Team Blanca ang ikalawang puwesto, at Team Rojets naman ang pumangatlo.
Naging bahagi rin ng selebrasyon ang Sayaw sa Bithay Dance Competition na nagpapakita ng suporta sa lokal na produksyon ng tinapa sa lungsod.
- Latest