3 kawatan ng motor umatake sa Cavite
CAVITE, Philippines — Sunud-sunod na nakawan ng motorsiklo ang naganap sa lungsod ng Dasmarinas at Silang, dito sa lalawigan, kamakalawa.
Naitala ang unang insidente sa Brgy. San Esteban, Dasmariñas City dakong alas-3:30 ng madaling araw kamakalawa.
Personal na nagtungo sa pulisya ang biktima na si alyas “Kris”, 39-anyos, dalaga, merchandiser, residente ng Barangay San Esteban kasama ang dalawang nakasaksi sa ginawang pagtangay sa kanyang motorsiklo ng suspek na si alyas “Coco”, 24, residente rin ng nasabing lugar. Ipinark umano niya ang kanyang motorsiklo sa tapat ng kanilang bahay subalit kinabukasan ay wala na ito sa lugar kung saan nakahimpil.
Sa kuha ng CCTV, dito nakita ang suspek na nakasuot ng itim na jacket, maong pants at pulang helmet na tinangay ang motor ng biktima.
Bago umano ang insidente, nagsalita pa ang suspek na “Wag mo nang linisan yan dahil mawawala din yan” kung saan nagtugma sa CCTV ang hitsura ng suspek.
Kasunod na insidente, sa Brgy. Sabang, Dasmariñas City kung saan tinangay ng 2 di nakilalang suspek ang motor ng biktimang si alyas “Sar”, 29-anyos, negosyante residente ng nasabing lugar.
Iniwan umano ni Sar ang kaniyang puting Yamaha NMAX V2 (975DNK), sa parking ng kaniyang kaibigan at nagtungo sila sa Baclaran.
Subalit pagbalik umano nila ay wala na ang nasabing motor. Sa nakuhang CCTV footage sa lugar, isang Toyota Hi-Ace Commuter Deluxe ang huminto sa tapat ng motorsiklo at dito isinakay ng dalawang suspek ang motorsiklo ng biktima at tuluyang tinangay.
Samantala, sa Silang, Mayo 18 nang matangay ang motorsiklo ni alyas “Vic”, 44-anyos, company driver at residente ng Sampaloc, Dasmariñas City ng suspek na si alyas “Bert”, 22. Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto ang suspek matapos na mamataan ng biktima ang nakarnap na motor habang gamit ng suspek kamakalawa ng hapon sa Brgy. Biga, 2, Silang, Cavite.
- Latest