4 miyembro ng pamilya, todas sa sunog

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Patay ang isang mag-asawa at dalawa nilang anak matapos na matusta sila ng apoy nang masunog ang kanilang bahay,kamakalawa ng madaling araw sa Brgy. Bulihan ng nasabing siyudad.
Kinilala ang mag-asawang nasawi na sina Philip, 49; Maricel, 48; at dalawa nilang anak na sina Felice,18; at Julienne,10 na may apelyidong Calauag habang nasugatan ang anak nilang si ‘Seth’,15,kapwa mga residente ng Alido Heights, Brgy. Bulihan ng nasabing lungsod.
Sa report ng Malolos police station, naganap ang insidente bandang alas-3:41 ng madaling araw nitong Mayo 21 sa nabanggit na lugar.
Sa inisyal na report, mahimbing na natutulog ang mag-anak nang biglang sumiklab ang apoy at hindi nakalabas sa kanilang bahay.
Ayon sa report, bandang alas-4:18 ng madaling araw nang maapula ng mga rumespondeng tauhan ng Malolos Fire station ang sunog at tumambad ang bangkay ng apat na biktima.Habang ang isa nilang anak na 15-anyos ang nasugatan.
Patuloy na inaalam ng mga otoridad ang dahilan ng sunog.
- Latest