Motorcycle rider nadaganan nang nabuwal na poste ng kuryente

MANILA, Philippines — Patay ang isang 34- anyos na motorcycle rider makaraan itong aksidenteng madaganan nang nabuwal na poste ng kuryente malapit sa pamilihang bayan ng Brgy. Zone 4, Cadiz City, Negros Occidental kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima sa pangalan lamang nitong Cyrel, naninirahan sa Brgy. Cabahug ng lungsod .
Sa report ng Cadiz City Police, alas-5:00 ng hapon ay minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo at binabagtas ang highway para sunduin ang kanyang misis sa trabaho nang mabuwal ang 45 talampakang kahoy na poste ng kuryente na matanda at eksakto namang dumaraan ang rider ng bumagsak ito kaya’t nadaganan ito.
Mabilis namang sumaklolo ang mga rescuers at isinugod sa pagamutan ang biktima pero idineklara itong dead-on-arrival.
Sanhi ng insidente ay nagkaroon ng pansamantalang blackout sa lugar na naibalik pasado alas-10:21 ng gabi. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa kasong ito at inaalam na rin ang pananagutan ng Northern Negros Electric Cooperative sa pagkamatay ng biktima.
- Latest