Tricycle sinuwag ng bus: 3 utas
MANILA, Philippines — Tatlo katao ang nasawi matapos na suwagin ng isang pampasaherong bus ang kanilang tricycle sa kahabaan ng national highway, Brgy San Pablo, Santo Domingo, Ilocos Sur nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Claro Tapaya Sr., 65-anyos, tricycle driver at mga pasahero nitong tinukoy lamang sa mga pangalang Michelle at Grace; pawang ng Vigan City ng lalawigang ito.
Sa ulat ng Ilocos Sur Police, pansamantalang huminto si Tapaya sa nasabing highway para mag-U turn pero sa bilis ng pangyayari ay nabigong iwasan ang paparating na GMW bus bunsod upang mabangga ng bus ang tricycle.
Sa lakas nang pagkakabangga ay nayupi ang tricyle na ikinasawi ng mga biktima sanhi ng matitinding sugat na tinamo sa kanilang mga katawan.
Hindi naman nasugatan ang driver ng bus na si Julius Jardinero, 42-anyos ng Magsingal, Ilocos Sur at mga pasaherong sakay nito.
Base sa pahayag ni Jardinero sa pulisya, nabulaga rin umano siya sa biglang pag-U turn ng tricyle driver kung saan nabigo siyang maiwasan ito sa bilis ng mga pangyayari.
Isinailalim na sa kustodya ng pulisya ang driver ng bus na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to 3 counts of homicide at damage to property,
- Latest