Magdyowa nagsaksakan, kapwa todas!

Babae gustong mamasukan, pinagtalunan
MANILA, Philippines — Mistulang duelo sa teleserye matapos na mauwi sa saksakan ang mainitang pagtatalo ng isang obrero at live-in partner nito na parehong nasawi sa madugong insidente sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Tabugon, Kabankalan City, Negros Occidental nitong Martes ng hapon.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Marilie Satinyamian at Fernando Pacunla; pawang 26-anyos na mga residente sa lugar.
Sa report ni Lt Col. Roberto Indiape Jr., hepe ng Kabankalan City Police Station, nangyari ang insidente sa loob ng tahanan ng mag-live in partner sa naturang lugar dakong alas-5:30 ng hapon.
Bago ito ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-live in partner dahil nais ng ginang na magtrabaho bilang kasambahay sa Bacolod City pero tutol dito ang kaniyang partner.
Sa gitna ng mainitang pagtatalo, kumuha ng patalim si Pacunla at inundayan ng saksak ang kaniyang kinakasama. Sa kabila na sugatan ang ginang, hinagip din nito ang isang kutsilyo at pinagsasaksak ang nasabing mister.
Kapwa nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang magdyowa na bagaman at nagawa pang maisugod sa pagamutan ay kapwa nabigo nang maisalba ang buhay.
Narekober naman sa crime scene ng mga nagrespondeng pulis ang dalawang patalim, isa rito ay kutsilyo at isa namang panggapas ng tubo.
- Latest