2 paslit tusta sa sunog, lolo sugatan

MANILA, Philippines — Dalawang batang magkapatid ang nasawi habang sugatan ang kanilang lolo matapos na masunog ang kanilang kubo sa Purok Lison, Brgy. 1, Bacolod City, Negros Occidental nitong Martes ng madaling araw.
Kinilala ang nasawing mga biktima na sina Gabry Jhon Gutierrez, 8-anyos at kapatid nitong si Audrey Shantel Gutierrez, 6-anyos; pawang halos hindi na makilala sa matinding pagkasunog ng kanilang mga katawan nang marekober ang kanilang mga bangkay sa kanilang kuwarto.
Ang nasugatang lolo ng magkapatid na nakatira ‘di kalayunan sa nasunog na bahay ay nakilala namang si Edwardo Gutierrez, 63 taong gulang na nagtamo ng second degree burn sa kaniyang kanang kamay, kanang bahagi ng mukha at noo.
Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Bacolod, dakong alas-2:19 ng madaling araw nang makatanggap sila ng report sa nasusunog na kubo sa nasabing lugar.
Agad na nagresponde ang mga bumbero pero nababalutan na ng apoy ang buong kabahayan kung saan na-trap sa kanilang kuwarto ang dalawang bata. Ang kanilang ina ay umalis dakong alas-2 ng madaling araw at sumunod naman ang kanilang ama kaya kapwa wala nang maganap ang sunog.
Sa pahayag ng mga arson investigator, nasugatan ang matanda sa pagtatangkang iligtas ang kanyang mga apo na naiwang walang kasama sa loob ng kanilang munting tahanan.
Sa imbestigasyon, hinihinalang ang naiwang nakasinding kandila malapit sa may pintuan ang pinagmulan ng sunog matapos na mag-brownout sa lugar.
Naapula ang sunog dakong alas-2:33 ng madaling araw habang tinatayang mahigit P3,000 ang pinsala nito.
- Latest