Jeep bumaligtad: 11 pasahero sugatan
MANILA, Philippines — Labing-isang pasahero ang nasugatan matapos na aksidenteng bumaligtad ang sinasakyan nilang pampasaherong jeepney matapos na mahulog sa lubak sa tabi ng highway sa Brgy. Cabatangan, Talisay City, Negros Occidental kamakalawa.
Sa report ng Talisay City Polcie, kabilang sa mga nasugatan ay limang menor-de-edad na sakay ng dyip na minamaneho ni Ian Mula, 49-anyos ng Pulupandan, Negros Occidental.
Base sa imbestigasyon, alas-9:30 ng umaga habang minamaneho ni Mula ang jeepney na bumabagtas sa kalsada sa tabi ng Guerero Farm sa Sitio Mambucano, Brgy. Cabatangan ng lungsod nang masiraan ng makina ang jeep sa bahagi ng pakurbadang highway.
Bunga nito, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver bunsod upang mahulog sa malalim na lubak ang jeepney na bumaligtad sa insidente.
Ang mga biktima na nagtamo ng mga galos at bahagyang sugat sa katawan ay nilapatan ng first aid maliban na lamang sa tatlong grabe na isinugod sa pagamutan.
Sumuko naman ang driver ng jeep sa himpilan ng pulisya matapos ang aksidente.
- Latest