Norwegian na lulutang-lutang sa dagat nasagip ng PCG, PAF
MANILA, Philippines — Apat na Norwegian nationals ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Catanduanes, lulan ng isang sailboat kamakalawa.
Nakatanggap umano ang Coast Guard Station Catanduanes ng distress call mula sa mga dayuhang tripulante noong Mayo 17 kaya’t kaagad na tumugon.
Matagumpay na natunton ang kinaroroonan at nailigtas ng PCG-District Bicol katuwang ang Philippine Air Force (PAF) ang apat na Norwegian nationals na humingi ng saklolo sa pamamagitan ng distress call matapos na masiraan ng sailboat sa karagatang sakop ng Cabugao Bay ng Virac, Catanduanes kamakalawa ng umaga.
Agad sinuri ang mga dayuhan na hindi na binanggit ang mga pangalan ng medical personnel ng Coast Guard Bicol Medical Station at lahat sila ay nasa mabuting kalusugan.
Ayon kay PCG-District Bicol commander Commodore Ivan Roldan, nakatanggap ang kanilang Coast Guard Station sa Catanduanes ng isang distress call na agad nagsagawa ng coordination effort at sinubukang magkaroon ng radio communication para makuha ang lokasyon ng distress vessel pero wala silang natanggap na sagot.
Dahil sa limitadong vissibility sa lugar ay humingi ng tulong ang Coast Guard sa Tactical Operations Group 5 ng Philippine Air Force na nagsagawa ng aerial surveillance upang hanapin sa malawak na karagatan ang pinanggaligan ng distress call na agad namang naispatang palutang-lutang sa karagatang sakop ng bayan ng Virac ang SY Nora Simrad Sailboat na nasiraan ng timon (rudder) lulan ang mga dayuhan.
Mula sa Legazpi City Port sa Albay ay ipinadala ang tugboat na M/T Iriga na lulan ang PCG Operation Unit, Maritime Services Safety Unit, CG Medical Station, CG Nursing Service Sub-Unit, at Civil Relations Group saka inilatag ang towing operation kung saan matagumpay na nahatak ang sailboat at nailigtas ang mga dayuhan.
- Latest