47 barangay sa Maguindanao binaha: 78K apektado
MANILA, Philippines — Umaabot sa 78,000 katao ang apektado ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Maguindanao del Sur sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dulot ng malalakas na pag-ulan na dala ng Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa ulat nitong Lunes.
Sa report na tinanggap ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang malalakas na mga pag-ulan na nararanasan sa nasabing lalawigan ay simula pa noong Mayo 14.
Ang nasa 78,000 apektadong katao sa mga pagbaha ay naninirahan sa mga mababang lugar sa Maguindanao del Sur.
Kabilang sa mga naapektuhan ng mga pagbaha ay nasa 47 barangays sa mga bayan ng Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Datu Saudi Ampatuan, Shariff Aguak at Shariff Saydona Mustapha.
Ang mga apektadong bayan ay nasa palibot ng 200,000 hektaryang Ligawasan Marsh na sakop ng mga lalawigan ng Cotabato, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur at Sultan Kudarat.
Ang Ligawasan Marsh ay nagsisilbi namang “catch basin” ng dumadaloy na tubig mula sa Bukidnon at Sultan Kudarat.
Napaulat din na tatlong kabahayan ang napinsala nang magkaroon ng landslide sa bayan ng Ampatuan na may pinakamataas na bilang ng mga naapektuhang katao na nasa 24,930 na ayon sa NDRRMC ay patuloy pa nilang beneberipika.
Umaapela na ng tulong ang mga pamilyang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa lalawigan.
Patuloy pa ang pagtaya sa halaga ng pinsala ng baha sa mga pananim kabilang ang mga maisan, palayan at iba pa na lumubog sa baha sa Maguindanao del Sur.
- Latest