Konsehal niratrat ng tandem, todas!

TIMBANG CAVITE, Philippines — -Patay ang isang barangay councilor makaraang pagbabarilin ng riding- in-tandem habang sakay ng kaniyang multi-purpose vehicle (MPV) at pababa na sana patungo ng Barangay Hall, kahapon ng umaga sa Brgy. Bagtas, bayan ng Tanza.
Kinilala ang biktima na si Christopher Aron, 48-anyos, may asawa, incumbent kagawad ng Brgy. Bagtas ng nasabing bayan.
Sa ulat ng pulisya, alas-10:20 ng umaga nang maganap ang insidente. Pababa na ang biktima sa kanyang Toyota Innova para pumasok sa Barangay Hall nang tapatan ng isang motorsiklo sakay ang dalawang armadong suspek at sunud-sunod na pinagbabaril bago sila humarurot patakas.
Agad namang naitakbo sa MV Santiago Hospital ang biktima subalit hindi na siya naisalba pa ng sumuring doktor.
Ayon sa pulisya, personal na alitan ang tinitingnang motibo ng pulisya sa pagpaslang sa biktima.
Agad namang nagbaba ng kautusan si Cavite Provincial Director Police Col. Dwight Alegre sa mga tauhan na magsagawa ng checkpoint at dragnet operations para madakip ang mga suspek.
- Latest