2 lalaki niratrat ng tandem, todas!

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Dead-on-the- spot ang dalawang lalaking nag-uusap sa isang kubo nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa bayan ng San Ildefonso, sa lalawigan ito.
Kinilala ang dalawang biktima sa mga alyas na Cedric, may-asawa, truck driver, residente ng Brgy. Pinaod at Rustan, ng Brgy. Bulusukan; pawang sa San Ildefonso.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-4:52 ng hapon nitong Mayo 15 sa Brgy. Matimbubong.
Isang tawag ang kanilang natanggap mula sa concerned citizen na may nangyaring pamamaril sa nabanggit na lugar.
Dahil dito, agad rumesponde ang mga awtoridad sa lugar hanggang sa tumambad sa kanila ang dalawang duguan at walang buhay na mga biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon, habang nag-uusap ang mga biktima sa kubo ay biglang dumating ang mga suspek na walang kaabug-abog na namaril ng paulit-ulit.
Agad nasawi ang mga biktimang tinamaan ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan habang tumakas sa direksyon ng San Rafael ang mga suspek lulan ng motorsiklo, ayon sa impormasyon.
Sinasabing nagsasagawa na ng follow-up investigation, hot pursuit, flash alarm at dragnet operation ang mga awtoridad sa naturang insidente.
- Latest